EPIKWENTO
1. Dapat siguro tawagin ang Florida na The Confused State kasi medyo lito, o hilo (ano ka?), kapag panahon o klima ang pag-uusapan. Gaya nung Lunes ng gabi, mas malamig pa sa Tampa kesa sa North Dakota, tas kahapon nag-snow sa Orlando. 10 years ago lumamig maigi sa Central at North Florida kaya nag-frost ang mga orchards at nangamatay sa ginaw ang mga nagsasunbathing na dalandan (buti na lang ang mga dalaginding ay may binti at paa).
2. Mataas ang araw habang tina-type ko ito pero ubod ng ginaw. Nasa 50 degrees F. Kahapon nga ng umaga nung nagbibihis ako para pumasok, lintek, yung underwear na galing sa drawer ubod ng lamig kaya nung sinuot ko, wahaw, sabi ni Jonas, Bossing jinijinaw ako. Ginawa ko e pinlatsa ko pa si Calvin (as in Calvin Klein) at ayun, kalmado sa sarap ang buong populasyon, para silang naka-heater. Di gaya ko kasi may allergy ako sa amoy ng heater, tsaka wala naman akong fireplace.
3. Thansgiving Day ngayon. Sa Miami Herald kahapon may nabasa akong article tungkol sa isang grade school teacher na kakaiba ang approach ng pagtuturo sa mga bata tungkol sa First Thanksgiving. Taon-taon, nagdadala ang mga bata (in almost all grade schools, I suppose) ng mga papel-de-kolor, gunting, glue, at kung anu-ano pa para gumawa ng mga buntings o costume ng Native Americans at Pilgrims. Ginawa nung isang teacher sa Long Beach, Ca, pinagkukuha nya yung mga gamit ng mga bata tas sabi nya e sa kanya raw yung mga gamit kasi nadiskubre nya. Ang reaksyon ng mga bata ang inaasahan nya: Nagalit sila. Nilagay ng guro ang asal nya sa konteksto ng "tunay" na nangyari sa sinasabing First Thanksgiving.
4. Pero anuman ang nangyari noon ay kakain pa rin ako ng pabo, magpupugay, at magpapasalamat. Napakaraming dapat ipagpasalamat. Isa na ay ang pananatili ng memorya upang di makalimot.
5. Pagpapasalamat din dahil kahit papaano, kahit mahirap ang buhay, kahit di ako mayaman, nakakabili pa rin ako ng libro at kaya ko pa rin silang basahin dahil malinaw pa rin ang utak ko (kahit malabo na ang mga mata ko, kung gay-on, salamat din sa salamin.)
6. Gaya nung Sabado sa Miami Book Fair, naalala ko tuloy nung minsan napadaan ako sa harap ng Library of Congress sa DC, pakiramdam ko parang gusto kong mag-antanda. At tuwing papasok ako sa NY Public Library, halos kapareho ng kabanalan ng simbahan ang sumasayad sa dibdib ko; nagiging kalmado ako. (Adik! Adik!)
7. Sayang nga nung nagdaang Linggo ng bookfair. Naglecture si Frank McCourt ng Tuesday, tas si Edward P. Jones ng Wednesday ata, tas si Richard Ford ng sumunod na araw. May libro ako nilang tatlo (Angela's Ashes; The Known World; Independence Day - respectively, na pawang nanalo ng Pulitzer Prize) pero iba din sana na mapakinggan ko ang bago nilang saloobin, at ng mahingan na rin ng payo para sa kaganapan ng aking writing objective as a transcendental solution.
8. Nung Sabado na naroon ako, ang lecturers (bukod kay Senator Obama na napanood ko) ay sina Nora Ephron ng Sleepless in Seattle fame, Robert Olen Butler, John Berendt, ang aking paboritong translator na si Edith Grossman at maraming-marami pa. Tas tambay-tambay lang ako at nakipag-kulitan sa mga tao. Nagtagal nga ako dun sa booth ng McSweeney's kasi angkukulit nung mga kabataang booksellers, mga alagad ni Dave Eggers na taga-San Francisco, tas sinipat-sipat ko yung bagong libro at 1st edition ni Eggers na What is a what.
9. Tas sa karamihan ng mga tao, may naglalakad na mga naka-costume. Uy, si Juliet (ng Romeo and)! Ayun, si Macbeth ba yun? Tas may isang dalaginding na parang maharot. Teka lang, si Lolita ata ito (fire of my loins ka pa jan!), yumpala, tunay na karakter at hindi fictional yung bata. Ang nakakatuwa, habang naglalakad sila, daldal sila ng daldal at kung pakikinggan nyong mabuti, ang sinasabi nila ay linya nila sa libro. Cute.
10. Tas sa isang booth naman habang nagmimiron-miron ako, yung ale sa tabi ko tipong nagka-interes sya sa libro.. Binigay nya ang byad dun sa tindero, tas sabi ng tindero, Would you like me to sign this? Nagulat yung babae, tas tiningnan nya yung back cover, OMG! sigaw nya, You're the author! You're the author!
11. Sa dinner table mamya, bukod sa nabanggit kong ipagpapasalamat, idadagdag ko na rin kayong mga kaibigan ko dito, baguhan man o beterano, sa dahilang ang inyong patuloy na pagbisita at pagkumento ang syang nagbibigay sigla sa aking patuloy na pagsusulat. Salamat po.
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home