AYYY... JURY
Ang nakaraan: Naisipan kong pumasok sa Quiet Room matapos makipag-usap sa isang Pinay na tulad ko ay totally lost sa Jury Hall.
Ang kasalukuyan: Tahimik sa Quiet Room. (Corny. O eto pa, Ano ang kulay ng White House? Kilala mo ba ang nakalibing sa Tomb of the Unknown Soldier?) Sa isang simbahan sa Miami, merong isang kwarto na tinaguriang Crying Room. Doon naka-"detain" ang mga batang nagngangawa para wag makabulahaw sa mga taimtim (taimtim daw, o) na nagdadasal, pero syempre alam pa rin ng mga magulang nila ang progreso ng Misa kasi may sa speaker sa loob ng CR (Crying Room, hindi Comfort Room, although kung hirap na hirap ka na at di ka makaetat, mas tama sigurong tawagin ang kubeta na Crying Room) tas may malaking bintana kung saan nakikita ng mga magulang ng batang pasaway ang nagaganap sa sanctuary. Naisip ko minsan, paano kung nakikinig ka ng misa dun, tas nakatanggap ka ng text sa syota mo na "Break na Tayo", tas syempre nagngangawa ka, pupunta ka ba sa Crying Room? Wala lang, ask ko lang, bulanglang.
Kaya tahimik sa Quiet Room, dalawa lang ang andun, tas tipong di pa nila type ang isa't-isa. Sa isang sulok nakaupo ang middle-aged na babaeng pustura, brunette, tas may tinitingnan sa laptop. Mga porn siguro, wehehe, pero malay ko. Tipong professional ang bruha, baka nga abugada pa. Sa dulong sulok sa likuran, andun ang binatilyong nagsusulat at nagbabasa ng makapal na libro, estudyante siguro na malapit na mag-exam, nagpe-prepare ng kodigo.
Doon ako naupo sa may isa pang sulok, pinakamalapit sa pinto. Humilatsa ako sa silya, tinaas ko ang mga paa kong pagod sa buhay, at binuksan ang librong matagal ko ng inaasam-asam na basahin - Cloudsplitter ni Russel Banks.
Paminsan-minsan sinusulyapan ko ang dalawang kumag; tinitingnan ko kung sakaling isa sa kanila ay nababaliw na sa katahimikan. Iniisip ko din na kung may papasok na isa pang potential juror, uupo kaya sya sa natitirang sulok? Kung magyayari yun, pwede kong sabihin na hawak namin ang tunay na Pwersa, We are in contol of the four corners of Silence!
Kaso walang pumasok.
Habang nagbabasa ako, kung anu-anong kagaguhan ang pumapasok sa isip ko. May time na parang gusto kong umutot, o kaya tumayo at sabihin sa aking captive audience, The end is near, repent! Iniisip ko din, Pano na kung mapili akong juror, ano na ang mangyayari sa departamento kong nakasalalay sa aking balikat ang tagumpay. Makayanan kaya nila ang aking napipintong pagkawala ng isa o dalawang araw?
Mga isang oras din kaming nasa QR. Maya-maya, dumagundong sa speaker, If you hear your name, please proceed to the hallway: xxx...xxx...xxx...xxx...cbs
Inakup, lunok, buntong-hininga. Tayo ako at bgo tuluyang lumabas ng QR, tumingin ako sa dalawang kumag. Nakatingin sila kapwa sa akin, at basa ko sa kanilang mukha ang banal na katagang... Bee, buti ngaaa!
Ang hinaharap: Malusog, nakakabusog!