MONAY MONAY
Nami miss ko na ang mga tinapay sa Pinas, pan de sal, pan de racion, pan de limon, pan bonete, pan de leche, at syempre naleche, pan de monay. Sa lugar nga namin medyo eccentric pa ang mga panadero. Meron silang pan de boling na parang bola ng bowling yung tinapay. Tapos ang pan de sal nila e me classification chuva pa, either pang-ngayon o pang-bukas. Pag bumili ka nga dun for the first time, tas sabihin mo, "Bos limang piso ngang pan de sal", tatanungin ka, "Para ngayon ba o para bukas?', malamang e isagot mo, "Pakialam mo bah!" Ang lagay talaga nun, yung pambukas e medyo tustado, yung for the here and now chuva e tipong malambot at masarap lapi-lapirutin.
Nung tumagal ang panahon, napansin ko din sa Pinas na napaparami yung isang ingredient nila: hangin. Meron nga akong nabili minsan, pagbukas mo ng pan de sal para lagyan ng palaman, taena, parang me guwang sa loob yung pan de sal, pwedeng dun ka na uminom ng kape.
Ayos din naman syempre ang mga tinapay dito, ubod ng daming klase. Nung bago pa ako at medyo tanga (ngayon kasi e beterano at ganap na tanga na), nung umorder ako ng sub, tanong nung babae sa deli, What kind of bread, white?, sabi ko, Why, do you have black?
Merong whole wheat, merong rye, merong multi-grain at merong pumpernickel; tas andyan ang croissant, meron pang panis, tas me sour dough, o gusto mo ng cuban bread o french bread? Pero naman naman, ala ba kayo bos ng pan de sal?
Sabi nung isang kano sa Pinas matapos ma-witness kung pano idawdaw ng pinoy ang pan de sal na me mantikilya sa kanyang kape, Wow, man, I can't believe you guys have to clean the bread first before you eat it. Yun nga lang, dismayado sya afterwards nung ininom ni Pinoy yung kape.
Kaso, nagtataka talaga ako dun sa sliced bread. Ang tawag natin dun Pan Americano, o kaya e Tasty, na sa totoo lang e di naman nare-reflect dun sa tinapay kasi di naman sya tipong stateside at di rin masarap. Haynako. Sabagay, ibang klase talaga ang mga panadero sa atin, tipong meron silang pinagbabatayang kakaibang kasaysayan.
Ano kaya ang nagawa ni Sal sa larangan ng pagtitinapay?