AY, BUHAY: ISANG PAGBUBUTINTING
Nagising ako kaninang pasado 7:00 n.u. na humahagalpak sa tawa. Naranasan nyo na ba yun, ang gumising sa umaga ng natatawa imbes na natatae? Sana hindi pa para solo ko ang experience.
Nanaginip kasi akong hinahabol daw ng isang lawing mandaragit. Hinahabol, I repeat, kasi di sya lumilipad kundi tumatakbo. Ako naman, dahil mahilig mang-inis, sa tao man o ibon, tumakbo akong pagewang-gewang kaya naman nagmistulang engot si Lawin. Naimagine nyo na ba ang ibong tumatakbo na parang iika-ika? Ganun, mukang tanga, kaya natawa ako kahit binabalak nya siguro akong gawing panila pang merienda-cena sa kanyang nagngangawang mga inakay.
Syempre dahil Sabado, natatawa man ako o hindi, kailangang maglaba. Laba-dami ang inabot ko kasi 3 linggo ata akong di naglaba dahil inuubo ako. Kung ano man ang koneksyon nun e hindi ko alam. Naalala ko tuloy sa aking paglalaba ang newscasting epeks ni Joey de Leon, Mahalagang balita: isang labandera ang nabuntis; ayon sa ulat, ginamit sya ni Mr. Clean.
Ubod ng ginaw, 58 degrees F kahit may araw, tas tumawag si Senor Alejandro na tubong-Peru, palo daw kami, e di pinagbigyan ko kahit minsan nauunsyami ako sa kanya kasi ubod ng lakas ang service, parang si Andy Roddick. Yun nga lang, one-dimensional, again, parang si Andoy. Oras na maibalik mo ang 1st serve nya, o kaya e fault sa unang serve, tapos na ang kapalaran nya. 6-3 ang final score, kapos ang kanyang kapalaran.
Tapos nagutom ako. Kumain ako ng mga tira-tira. May scallops na binalutan ng sangkatutak na bawang, para tuloy syang "garlic with scallops", parang yung pulutan sa may Quezon Avenue na Tokwa't Baboy daw e para naman syang Tokwa't Sibuyas.
Hayy buhay, sapo sapo ko ang tyan kong naglulumaki sa sarap ng mga pangarap, isang dighay lang ang lamang sa akin ng sinumang tumama sa lotto, oy, oy, oy, sabi sa isang kinalap na storya sa Esquire, may pamagat ata na How Does It Feel (ngaba?), may sanaysay doon na How Does It Feel to be a Lotto Winner?, sabi nung isang nanalo, Para mong nakita ang pangalan mo sa obituary ng isang dyaryo.
Meron din dung artik na How Does It Feel to Be Seven Footer?, tas ang ininterbyu e si Shawn Bradley na 7'6 at dating sentro ng Dallas Mavs. Sabi ni kumag, nun daw nag-aaral sya, kalimitan daw syang ginagawang landmark ng mga kaibigan nya. Sasabihin daw nila, O mga tols, kita-kita tayo mamya kay Shawn, as if para syang monumento, never mong mami-miss. Tas tinanong sya kung ano ang masasabi nya sa mundo batay sa p.o.v. ng isag higante. Hindi maganda, pagrereklamo nya, Di nyo lang alam kung gaano karurumi ang refrigerator ng mga tao!
O ayan, pwede kayang isama ng Esquire ang kwento ko, How Does It Feel To Wake Up Laughing?
Ay buhay ng mga nangangarap, lustay ang kapakinabangan, oo! Takbo na lang akong Borders para magbasa, asiwa na kasi akong basahin ang nilalaman ng aking puso. Charot.
Pagdating sa Borders, tipong may gathering sa isang corner ng bookstore dahil may book signing, andun ang isang nagngangalang Alan Troop (yata) na may bagong libro tungkol sa mga dragon dragon ek-ek, syempre di ako nakiloko kasi di ko naman hilig ang makiloko...sa mga dragon, baka mamya bugahan pa ako ng apoy. Di ko talaga trip pati yang mga temang narnia narnia na yan, pati nga yung gaiman gahaman ba yun, ala sa panlasa ko, parang sabi nung dj sa isang bagay na ayaw nya, It leaves a bad taste in the mouth and some place else.
Naalala ko nung araw may booksigning din dito ng isang local based author. Syempre sucker pa ako noon, (ngayon e sucked na lang!) punta ako dun sa may karatulang "booksigning line starts here". Yung author, andun at nakaupo na na parang haring gutom. Di ko na lang babanggitin kung sino sya baka mamya e igoogle pa nya yung pangalan nya at makitang ginagago ko sya dito. E di tipong wala namang ibang nakapila, ikako nga, I am the line, e di pinalapit nya ako, pinag-sign ko sya nung binili kong libro (na may "Mountain" sa title) tapos, sa laking tuwa siguro dahil kahit papaano me gagong nagpa-sign sa kanya, bukod sa naglagay ng dedication, nagdrawing pa ng mga bundok-bundok ang magiting na writer. Akala ko nga e iipitan pa nya ng pera yung libro. Pag-uwi ko sa amin, sinuksok ko na yung libro sa shelf. Magmula noon hanggang ngayon, di ko pa rin binubunot yung libro.
Sa Borders ulet: Matapos kong isnabin yung nagbu-book signing e dumiretso ako sa banyo at naiihi ako. E di habang nakatayo ako't nagpapaluwag ng puson, napatutok ang paningin ko sa dingding. Natawa ako kasi may nakasulat dun, "The future is in your hands"...tapos may nagdugtong "...and the future looks bleak".
Tas nun e naghagilap na ako ng libro, Memories of My Melancholy Whore ni Gabriel Garcia Marquez (Alfred Knopf, 2005) and nahagip ko. Punta ako sa cafeteria para basahin. In one sitting, tapos. Walang alisan sa pagka-upo. Josme, eto ngaba ang dahilan kung bakit ako pirmeng may kabag. Laging nakaupo, kantahin ko nga, Magbasa ay di biro, maghapong nakaupo...
Basta di nag-oover the top si Senor Gabriel e matalas ang pluma nya. Antalim ng Memories, tungkol sa isang matandang binata na naghangad ng isang birhen para sa kang 90th birthday. 115 pages lang ang libro pero andaming subplots. Namemelankolya tuloy ako, parang naratibo sa buhay nating lahat na nag-iisip na mas masarap ata yung noong araw, blah3, laging nostalgia...O di ba nag-aangas tayo, Hu-hu-hu, bat parang di ko na ramdam ang diwa ng Pasko ngayon di gaya nung araw, hu-hu-hu?
Tas eto, harap ako sa blog ng di ko naman talaga alam ang isusulat ko, pero ngayon alam ko na, sigurado ako kayo man e alam nyo na, magaling naman kasi talaga kayo o, uyyy, ayaw pa nyang amininnn...
Makapagsulat nga ng isang kwento, yung tipong isang kwentong walang kakwenta-kwenta.
Gaya nito.
METAMORPOSER
by cbs
(all rights na all rights reserved)
Ako si Gregorio Samsam, kilabot ng mga sampayan. Walang sampayan akong pinalampas, basta may nakasabit na panampay, sya kong sinasamsam. Sa aming lugar, kilala ako sa palayaw na Kit, kapag may nagtanong kasing maybahay kung nasaan ang mga damit na sinampay, ang sagot lagi ay
Kinuha ni Kit
Sinong Kit?
Exactly!
Di ko alam ang sanhi ng aking fetish (at di ko din alam kung ano sa Tagalog ang fetish, tiningnan ko na sa Tagalog English dictionary ni Carl R. Galves-Rubino pero wala sya dun, although may entry na "festschrift: n. parangal) subalit di kayang arukin ng aking mababaw na panghusga ang alituntunin ng mga sanhi. Shet. Nonsense ang pinagsasabi ko.
Sa kaliwa't kanan kong pagkalantari sa anumang bagay na sinampayin, nahulog ako sa balon ng hustisya. Sa kulungan, dun ko nalaan ang isang napakasakit na bagay. Wala silang sampayan.
Tangi kong ginawa ay manalangin sa dios ng kalayaan, Patawarin mo ako, makalaya lang ako dito, di na ako mangungulimbat ng mga jacket o panty na pagkaylalaki, o anumang damit na nakasabit sa tuwirang kableng nananalaytay mula Pole A to Pole B.
"Paggising na paggising mo bukas, humayo kang malaya", saad ng masidhing boses sa likuran ng aking ulo.
Nasa dagat ako ng kaputian, sambit ko sa aking paggising. Ano itoh?
Tas nakita ko ang mga kakosa ko, para silang mga higante, tas nagkaroon ako ng isang masidhing uhaw, hindi sa bagay na sinampayin, kundi sa dugo, kahit sa dugo ng mga kakosa ko.
Ahhh, ano it!! sigaw ko pagkakita ko sa mahabang karayom na nagsilbing nguso ko. Bzzz, bzzz sabi ko sa mga kakosang nagmumuni-muni, pero tila di nila ako naririnig, tila di nila ako napapansin, kaya lumapit ako sa Mayores na himbing pa sa pagkakatulog. Tinusok ko sya ng ngusong karayom sa malabalbuning hita, Pwe, anlansa ng dugo mo bok!
Bumunghalit ang boses sa likuran ng aking ulo. Anupa ang inaantay mo. Puga na. Indahin mo na ang wagi ni Robert Louis Stevenson, Here is the door, Here is the open air, Itur in antiquam silvam.
Bzzz, bzzz, malaya na ako at ngayon ay nasa gitna ng inyong pagkaharapan. Pero isang pakiusap lang po sana, sa ating pagsasalu-salo, wag sana kayong pumalakpak.
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home