KADENAHING KABISOTE, isang makabugbog-damdaming wa-piksyon
1. Tok-tok-tok. Ginising ako ng sunod-sunod na pagkatok kahapon ng umaga. Pupungas-pungas akong dumilat, tumingin sa pinto, sumipat ng pansariling elemento, at sa pagsilip ko sa orasan (6:05) ay nahinuhang kailangan ko na muling pumikit upang abisuhin ang dyosa ng pagtulog na walang dahilan, sa Sabadong ito, na salubungin ko ang pagdulog ng bukang-liwayway.
2. Sabay sa pagpikit ang muling pagbunghalit ng kagaspangan ng mangangatok. Tok-tok-tok, tok-tok-tok. Pero natanto ko, sa pagkakataong ito, na ang katok pala ay nanggagaling sa aking ulunan.
3. Sa aking ulunan, hindi sa aking ulo, kahit pa batid natin na may katok ako sa ulo, parang sabi ni Lorrie Moore, My head fills my own yack. Narito kaya sa gusali si Spiderman at ginagapang ang tabiki, kinakatok ang naninirahan, pinatitiyak ang kanyang di-pagiging kathang-isip lamang? Nagdili-dili ako kung kaya kong tumayo upang silipin ang pamulaan ng tunog na, salungat sa aking buraot na hininga, nakalulugod sa sentido dala ng maindayog na tipa at maalinsunod na kumpas. Sa katagang pang-musika, husto sa bilang, wasto sa ritmo.
4. Tumayo ako para magpakilala kay Spiderman, pero amputa, anak ng ibong puta, si Woody Woodpecker pala ang dakilang mangangatok, pinipilit butasin ang flower box na nakadikit sa dingding ng gusali. Go for it Woody, go for it, boy!, sigaw ko sa red-breasted woodpecker bilang paghikayat sa makasaysayang pagtutuos ng ibon at flower box. Di ako pinansin ni Woody, di nya ako naririnig. Tuloy-tuloy pa rin sya sa kanyang misteryosong misyon na kung di ko sasaliksikin ay di ko matatanto. Ano ang napapala nila sa maalinsunod na pagkatok? Tok-tok-tok, tok-tok-tok. Anak ng tok-tok-tokwa talaga, oo!
5. Ang aking unit ay nasa pinakatuktok na palapag; ang aking silid-tulugan ay nakaharap sa kanluran. Ibig lamang sabihin, sagap ko araw-araw, sa buong tag-araw, ang marubdob na galit ng haring araw sa kanyang kanluraning paglubog. At ano ang magagawa ng marikit na blinds sa batas ng kalikasan na, tulad ng laser beam, ay kayang ipatagos ang tuwid nitong silahis (no pun intended) sa pinakamaliit mang siwang sa nagpapakatatag na daraanan? Sanhi ng aking pagkatampak: pirming mainit ang aking kama, pirming nagmi-medium rare ang aking kalamnan, pirming pahirapan ang aking pagtulog.
5. Subalit nung isang gabi ang sakripisyo ay lubos, ang pahirap ay ganap; hindi lang mainit, nag-aapoy pa ang sanlibutan ng aking silid. Sira ang aircon, may diperensya yata ang pangkalahatang hvac. Makailang ulit akong bumalikwas at nag-toss and turn na parang hotcake, panay ang lakbay ng aking mga binti sa pag-asang makasalat ng karayagang malamig. Walang suwerte. Kung kaya kong manghula, nakatulog marahil ako pasado alas 3:00 na ng madaling araw, Sabado.
6. Isipin mo na lamang kung ano ang pakiramdam ko kahapon ng umaga, sa kaisipang di ko na kayang ituloy ang pagtulog sa saliw ng tok-tok-tok ni Woody, dagdag pa sa masalimuot na pagkaguhit ng aking palad at sira pa rin ang a/c.
7. Naglinis na lang ako ng maalikabok na bahay, ng nanggigitatang labahin, ng pawisang katawan, at pagkalipas ng dalawa o dalawa't kalahating oras, buo na ang pasya ko sa susunod na hakbangin. To Borders, I go. Hindi para magbasa kundi para matulog.
8. Humablot ako ng libro, Complete Works of T.S. Eliot, at ng cd, The Essential Works of Yo-yo Ma, na pawang magsisilbing props sa aking napipintong soliloquy. Handa na akong matulog, saad ko sa sarili. Bantayan nyo ako, sambit ko sa props.
9. Sumalampak ako sa isang komportableng upuan. Malambot ang kutson, dakila ang salangan ng ulo't siko. Kung sagad ang aking pagka-spoiled burat, tatawagin ko pa ang isang bookseller at sasabihing, Oist pogi, ikuha mo nga ako ng footrest.
10. Bata pa ako may sleeping problems na ako. Inggit nga ako kay bunso, naghihilik na bago pa man sumayad ang likod sa kama. Pero sa puntong iyon, wala akong ibang pwedeng gawin kundi ang matulog. Sagad ang aking antok, pagod, at katamaran; natatamad ako kahit mag-isip man lamang. Tulog ako bago ko tapusin ang pangungusap, Naaantok ako.
11. Nagising ako, naalimpungatan ako, sa gitna ng Sangkatauhan. Wala akong pakialam sa kanila. Nag-inat inat ako, pilit na pinaluluwag ang matipunong (daw, o) kalamnan na sa wakas ay nasayaran ng pahinga. Maraming tao, wala rin daw silang pakialam sa akin, kasehoda sigurong naghilik ako o tumulo ang aking laway. Sinapo ko ang aking tyan. Di pa pala ako kumain. Naghihilab ang sikmura ko, para akong may kabag. Sa aking malalim na pagkaidlip, napautot kaya ako? Tumingin ako sa kaliwa. Matandang lalaki ang nakaupo. Pero may sipon sya, di nya nalanghap saka-sakali man ang masidhing silakbo ng aking hangin. Tumingin ako sa kanan. Napakagandang chicka-babes, kamukhang-kamukha ng gymnast na si Elise Ray. Omigosh, nasilayan kaya nya ang pagliyad ng aking laway at pag-alumbitin nito sa kanto ng aking bibig na parang baging? Naamoy kaya nya ang pahiwatig ng aking kabag, sapat na para mapaghulo ko na ako, si cbs, sa sandaling iyon ay naging pag-aari nya? Wag po sana. Pwede rin po pala sana.
12. Sa eksaktong panahon na pinag-aaralan ko ang maamong mukha ni chicka babes, bumunghalit ng piped-in music ang bookstore at ipinaranas ang isang tradisyonal na musikang Moroccan. Sa pupungas-pungas kong pananaw, napagtripan ko tuloy si chicka-babes na isang belly dancer at marahas daw ang paggiwang ng kanyang malapad na balakang. Parang bagyo. Mabangis. Kumbaga sa hanging himpapawid, conflicting.
13. Di naman pinapansin ni chicka-babes ang aking mapanghimasok na peripheral vision kaya tuloy lang ako sa aking Moroccan trip. Maya-maya ay naudlot ako. May binabasa syang libro. Sinipat ko kung ano, pasimple. Naiyak ako sa titulo, Peace and Love and Barbecue. Biglang nagrilyebo ang trip ko, Nakaupo raw kaming dalawa sa harap ng fireplace, lumalagok ng pinot noir, nakikinig sa madamdaming Largo from "Winter" ni Vivaldi, tas tinanong ko sa kanya, Honey, ano sa tingin mo ang function ng literary repertoire, tas sinagot daw nya, Alam mo Bunny, kelangang ilatag mo ang tilag ng baboy sa ihawan habang malasutla pa ang kanyang mga taba.
14. Biglang tumunog ang aking cellphone. Napatingin si chicka-babes at kulang na lang e bigyan ko sya ng aking pinagpipitagang ngising aso, Para sa yo lang yan, miss. Como esta?, sabi ng tumawag, Mabuti, sagot ko, Que?, sabi nya, Quezon City, sabi ko, Que tal?, tanong nya, Ngatal, sagot ko, tas bigla kong naisip buksan yung libro ni T.S. Eliot, tumama sa isang pahina at binasahan ko sa telepono si Aling Que Tal:
frisch neht der wind
der heimat zu
mein irisch kind,
wo weilest du?
Klik, sabi ng telepono nya, Klik, sabi ng telepono ko. Napatingin ulit sa akin si chicka-babes at nabasa ko ang ninanamnam ng kanyang maamong pag-iisip, Lakas ng tama mo, Manong.
15. Makalayas na nga, sabi ko sa sarili, baka tuluyan na akong mapautot at mabighani sa isang mangangain ng taba.
16. Halos himatayin ako paglabas ng bookstore, madilim na, anim na oras yata akong nakatulog sa loob, nyeta, anim na oras, napakarami kong pwedeng gawin sa loob ng anim na oras, ano na ako ngayon?, marumi ako, marumi, parang sabi sa Intro kay Rumi, Whatever big you have, named you, kaya ako, ako, si cbs, whatever big I have, named me, ako ngayon si cbskatok, me katok na nga akong talaga para magtapon ng anim na oras sa pagtulog sa bookstore, sana man lang kung nasagap kong lahat ang nilalaman ng mga libro, pero hindi, wala akong pwedeng ipalit sa aksayadong anim na oras na yun kundi ang gawan sya ng blog kahit pa sabihin ninyong "Di kayang itama ng mali ang isa pang mali", Mali kayo dun, isasagot ko, di ba double negative is a positive, double positive is always a positive?
17. Yeah right, sabi nyo.