MGA MUMUNTING PANANAW SA PYESTA NG MGA LIBRO: PAMBUNGAD SA SERYE
May post si Toni Tiu ng celebrated Wifely Steps blog kung saan tinukoy nya ang aklatan ng kanilang high school na nagsilbing refuge nya sa tuwing sya'y nagnununi-nuni. Dun sa comments sa post, halos lahat ng bumisita ay kapwa nag-echo na ang aklatan din sa kanilang school bukol ang nagsilbing sanktwaryo ng kanilang taimtim (o maitim) na pagninilay-nilay.
Count me in. Wala akong ipinagkaiba kay Toni at sa kanyang commenters sa pagtutukoy sa library (sorry sa Filipino purists; sagwa kasi ng aklatan, o aklat, parang olat, o peklat) bilang isang refuge na di naiiba sa simbahan. Ako man, library din ang aking pinagkatalagahan ng aking pagkabata; iba nga lang siguro ang rason ng aking pagpupunyagi.
Nung bata pa ako (at bata pa din si Sabel), public elementary school teacher si Inang. Tuwing summer, ang job description nya sa school ay property custodian at sya ang one-woman army sa school library. E di syempre ginagawa nya e binibitbit nya kaming magkakapatid sa library for various reasons: para ma exspose kami sa libro, para may katulong sya sa pagkakatalogo at pagsasalansan ng imbentaryo, at para din hindi kami maiwan sa bahay kung saan ang tangi naming gagawin ay ang magsapakan lang.
Isang summer dun sa library, habang abala si Inang sa pagkwenta ng mga titulo at nagsisipagbasa ang mga utol ko, panay ang buklat ko ng mga libro. Sabi nung isang ate ko, ambilis mo namang magbasa, bubuksan mo lang ang libro tapos ka na agad. Sabi ko, tange, hindi ako nagbabasa, may hinahanap ako. Sabi nya, anong hinahanap mo, alikabok? Sabi ko, hindi, eto, sabay pakita sa kanya kung ano ang tinutukoy ko.
Limang piso.
Nakakita ako ng limang piso dun sa isang libro, at inisip ko na baka may iba pang tatanga-tangang pupils na pinagkamalang piggy bank ang libro.
Wag kayong matawa. Nung nasa elementary pa ako, kaya akong buhayin ng limang piso sa loob ng isang buwan. (Syempre ngayon hindi na. Nung umuwi ako sa Pinas last December, binigyan ko yung 6 na taong pamangkin ko sa pinsan ng 20 pesos. Tiningnan nya lang ako ng "I can't believe you're doing this to me" na tingin. Sabi ng pinsan ko - nanay nya - wala nang halaga sa bata yang binibigay mo.)
Fast forward to now. Syempre dahil sa training ko mula kay Inang at sa mga kapatid ko na mahilig magsipagbasa, naging voracious reader din ako. Sa Borders o iba pang bookstore, panay ang buklat ko sa iba-ibang libro hindi dahil naghahanap ako ng five dollars kundi dahil binabasa ko ang mga intros at prefaces.
Yung idea ko nung bata ako na may yaman sa libro, ganun pa din ngayon. Iba nga lang ang kanilang ipinagkahulugan.
Itutuloy po.