RESPONSA KAY r.k./ODA KAY p.j.
Malapit na 'atang sumikat ang araw kanina, gising pa 'ko. Mahirap talagang makipagtunggali sa prosa ni Jose Saramago, kayang ubusin ang mumunting panahong nakalaan sa pagtulog. All The Names , 'yun ang pangalan ng nobela; 'yun ang pangalan ng mang-aagaw ng tulog. Pati nga 'yung Lost Steps at Explosion In A Cathedral ni Alejo Carpentier e inunahan pa man din sa mga nakatalagang babasahin. (Pasensya na po bos Dennis Agui, lamang sa listahan ko si Manong Jose).
Sa gitna ng pagbabasa, binuksan ko ang site; 'dun ko nakita 'tong komento ni r.k. sa baba na marahil e nakadagdag sa di pagkatulog. Inuga-uga mo, r.k., ang pag-iisip ko dun sa sinabi mong magtatalaga ka ng "clear book" at pupunuin ng mga katagang galing dito, sabay hamong punuin na rin pati ang kaluluwa mo. Abanakupow, ang kaya ko lang sigurong ipuno sa libro n'yo e mga kahunghangan, at sa kaluluwa nyo e kawalang-laman. I'll fill it up with emptiness, anya, pero sa totoo lang, di ko nga sana babanggitin ang komento mo at sa halip e magtatago na lang ako sa ilalim ng kama upang doon magpadyahi. Shy po ako, sabi nga nila, shy walangya, pero sa totoo lang, pinaikot, pinatalon, pinagsayaw ako ng saliw ng komento mo.
Pasensya na po kung di nyo naiintindihan ang mga sinasabi ko dito; for all I know, baka kayo si robert kennedy. Naisip ko lang na kung nakikita nyo ang inyong sarili sa mga entrada, 'di kaya ibig sabihin e ganito ka rin mag-isip, ganito ka rin magsulat. Para na ring sa kapatid, 'di ba nakikita mo rin ang sarili mo sa kanila, minsan nga, pareho din kayong mag-isip, pareho din kayong magsulat. Anuman, salamat sa papuri, pati sa hamon, maaring nagpapawari na kaya ko pala ang kumonekta ng isip sa isip, tinta sa tinta, kataga sa kataga.
Tuloy, dun sa clear book mo, naalala ko yung most prized possession ko maraming taon na ang nakakaraan. Si p.j., yung poetry journal ko na nawala, lagi kong kasama na parang si Bantay, binabantayan nya siguro ang ungas-makatang pag-iisip ko. Nakapaskil doon ang lahat ng tula kong nalathala, walo lahat, mula 3rd year high hanggang 4th year coll, puro sa campus journals lang kaya 'di syento por syento ang silbi. Ang sayang lang, di ko na magawang balik-balikang parang litrato ang itsura ng pag-iisip ko noon. Gaya nga nung interbyu kay Alanis sa NPR, masarap daw balik-balikan ang mga lumang kanta nya dahil doon nya nakikita ang ebolusyon ng kanyang pag-iisip na parang nagbabasa ng mga lumang diaries. Ganoon din kay p.j., sa pagkawala nya e di ko na makita ang ebolusyon ko ng panahon na yun, mula sa kakornihang panunula hanggang sa kakornihang panunula.
Kay r.k., salamat. Sa umampon kay p.j., magpaka-korni ka na lang.
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home