<body><script type="text/javascript"> function setAttributeOnload(object, attribute, val) { if(window.addEventListener) { window.addEventListener('load', function(){ object[attribute] = val; }, false); } else { window.attachEvent('onload', function(){ object[attribute] = val; }); } } </script> <div id="navbar-iframe-container"></div> <script type="text/javascript" src="https://apis.google.com/js/platform.js"></script> <script type="text/javascript"> gapi.load("gapi.iframes:gapi.iframes.style.bubble", function() { if (gapi.iframes && gapi.iframes.getContext) { gapi.iframes.getContext().openChild({ url: 'https://www.blogger.com/navbar.g?targetBlogID\x3d5597606\x26blogName\x3dcbsmagic\x26publishMode\x3dPUBLISH_MODE_BLOGSPOT\x26navbarType\x3dBLUE\x26layoutType\x3dCLASSIC\x26searchRoot\x3dhttps://cbsmagic.blogspot.com/search\x26blogLocale\x3den_US\x26v\x3d2\x26homepageUrl\x3dhttp://cbsmagic.blogspot.com/\x26vt\x3d458748704286130725', where: document.getElementById("navbar-iframe-container"), id: "navbar-iframe" }); } }); </script>

Saturday, May 08, 2004

KOMIKS AS SHOWBIZ


Nung unang panahon at ako e bata pa, mahilig ako sa showbiz. Hindi ka-artistahan at ka-pelikulahan ang isyu ko kundi ito: bisyo, sa slang, showbiz.

Sinakayan ako ng indulhensya nitong mga nagpapawindang ng birtud na sa mura kong isipan e talaga namang nalalasap. Kakaiba ang dating. Malagihay.

Ang pinaka-una kong bisyo? Komiks. Bago pa lang ako pumapasok sa skul e alam ko na ang pagkakaiba ng Pilipino sa Tagalog. Ang Pilipino, komiks; ang Tagalog, klasiks. O ayan. Klasik ang kakornihan ko ha? Baka naman me masabi ka pa?

Mga 6-7 taon ako noon, jawsme, katatapos lang ng pandaigdigang gyera nun kaya kung tawagin ang era e peacetime, (at summertime) kapag Hwebes pagkakain ng almusal e tatakbo na ako kila Aling Nene at aarkila ng Aliwan. Aliw. Tutunghayan ko na agad yung si Lastikman ata yun na mahilig sumuot sa mga waterspout. Walandyo. Pano kaya kung biglang bumuhos ang ulan at nakatambay sya dun? Tyak lunod ang byuti nya. Pero ang galing nya sa labanan. Labanang Pinoy talaga parang sa Sine Pinoy na isang oras magboboksingan, nagumpisa sa warehouse, aabot sa may-ilog, magtatapos sa bukid, at pag nakahilata na ang mga suwail e dadating ang mga alagad ng batas na ang motto sa buhay e 'punctuality is our goal'. Magaling tong (no pun intended) mga pulis sa sine. Sang oras matapos ang krimen bago sila dumating. Sa totoong buhay kasi e di sila dumadating. Aliw.

O eto ha, isang clue para malaman mo na otsenta y tres na ako. Inabutan ko pa yung komiks na TSS, Teen-agers' SongS and Shows. Jawsme, di pa uso ang komiks e komiks na yun. Talaga namang inaabangan ko ang nagdedeliver ng TSS kina Aling Nene, every Tuesday o ha!

Ang arkila ng komiks kina (ba o kila, Belle? mukang parehong mali!) Aling Nene e me kamahalan. Singko yata isang oras. Jawsme! Ginagawa ko, tinitipid ko yung binibigay ng nanay kong sa totoo lang e pera ko din. Ganto kasi yun. Tuwing sinasama ako ng nanay ko sa lakad nya at makakasalubong namin yung bos nyang si Mrs. W na amoy lupa, iismakin ako ni Mrs. W sa muka na ke tagal-tagal at ke tunog-tunog. 'Ang kyut-kyut mo talaga, ummmmmmm, smmmmmackkkk, sluuuuuuuurrpppp'. Tapos aabutan nya ako ng sampung piso (maliit na kayamanan na yun noon) sabay dighay na 'O pabili ka ng mga fruits ke mommy hah, o isa pang kiss ulet, sssmmmckkk, ssssslurrrp, namnammmmmm, tsalaaappp! Pagkalayo namin, sasabihin ni Inang, 'O akina yan, o etong sa yo', sabay kuha ng banknote at abot sa akin ng singko sen. Bilang pampalubag-loob, pupunasan nya ng panyo ang mukha ko para burahin ang nakapaskil na lipstik na gawa yata sa achuete.

Tawa ako ng tawa sa Wakasan Komiks, tsaka dun sa taWAKASANdali section nila. Ang di ko maintindihan, pramis (napagaya na ko ke Angela) e naglagay sila minsan ng istorya dun na itutuloy. Tapos sinusundan ko yung kina Marty Gee Aragon, Vincent Kua Jr. at syemps pa, si Carlo J. Caparas, considered na one of the best directors in the history of awful films. Teka lang, bakit ba sya at yung si Donna Villa ba yun e laging naka sunglasses pag nagpapa-presscon? Me perpetual sore eyes ba sila?

Eto ngayong ang natunghayan ko sa showbiz ko. Minsan e sarap na sarap ako sa pagbabasa kina...kila...Aling Nene, dun pa nga ako nakaupo sa sako-sakong bigas habang panay ang dildil ko ng bigas (binutas ko na yata yung sako para dumukot-dukot ng pandildil) napansin ko na me tao sa harap ko. Binaba ko ang komiks at tinaas ang ulo ko at sambit na Mahabaging Komiks! Si Itay! Kita ko ang mga mata nya na nanlilisik, gaya nung isang nakalaban ni Lastikman sa vol. 26, ganung-ganon, tapos, yung hawak nya na dyaro e binibilot-bilot pa nya, sayang e bago pa naman, pero alam na alam ko kung saan magla-landing yun kaya pumikit na lang ako, pero wala akong naramdaman kahit ano, narinih ko lang ang sambit lang nya, 'Tapusin mo muna yan, tapos umuwi ka na at may sasabihin ako sa yo'.

Syempre, hindi ko na tinapos si Komiks, no, ikaw ba naman kung alam mong bibitayin ka, magbabasa ka pa ba muna?

Pagdating sa amin, nakaupo magkakatabi sa sofa na mahiyang mga myembro ng isang panel si Itay, si Inang, tsaka yung pinakamatanda kong kapatid. Si Inang ang chair ng dissertation: Diyata't totoo ng nagbabasa ka ng komiks, oh no, wala ka na bang ibang magawa iho, wala ka na bang ibang mabasa?

Komiks. Ang curse ng pamilya ko. Lowest form of literature daw. Jawsme. Isusumpa daw ako ng kapatid ko pag nakita nya akong nagbabasa ulet ng komiks, sabay abot sa akin ng lahat ng libro nya, lahat-lahat, yun daw ang pag-aralan kong basahin.

Makalipas ang ilang araw, andun ako sa kwarto ko at nagbabasa nung malaking librong Atlas of Revolution, pumasok si Inay, tapos si Itay, tuwang tuwa sila. Ako din tuwang-tuwa e. Dun kasi sa pahina na tinutunghayan ko, me nakasingit na komiks. Nagtutuos si Zuma at si Galema. Aliw.

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home